Ikinagulat ng mga residente ng Purok Kayabagan, Barangay Lawigan, Mati City, Davao Oriental ang kakaibang pangyayari nang umapaw ang makapal na bula mula sa isang sapa sa kanilang lugar sa halip na karaniwang tubig.

Sa video na ibinahagi ng residente na si Reymond Malacao Alibangbang noong Oktubre 6, 2025, makikitang halos natabunan ng puting bula ang batis, dahilan upang agad itong mapansin ng mga lokal.

Ayon sa Mati City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), matapos ang mabilis na inspeksyon, natukoy na nagmula ang bula sa puno ng Manggani na pinutol umano sa lugar.

Kasalukuyan namang sinusuri ng mga awtoridad kung ligtas sa tao ang naturang bula, habang iniimbestigahan din ang may-ari ng pinutol na puno dahil sa kakulangan umano ng permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Patuloy ang imbestigasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at mapanagot ang sinumang lumabag sa batas pangkalikasan.