Nagpaabot ng humanitarian assistance ang Vietnam Coast Guard (VCG) sa mga mamamayan ng Cebu Province matapos ang magnitude 6.9 na lindol, bilang simbolo ng pakikiisa at matatag na ugnayan nila sa Philippine Coast Guard (PCG) noong Oktubre 8, 2025.

Kasabay ng pagdating ng barkong VCG Ship CSB 8002 sa Cebu City ang ikalawang PCG–VCG Bilateral Meeting, na layuning palalimin pa ang kooperasyon sa maritime operations sa pagitan ng dalawang bansa. Kabilang sa kanilang mga aktibidad ang joint exercises sa search and rescue, firefighting, at oil spill prevention, alinsunod sa Memorandum of Understanding on Maritime Cooperation na nilagdaan noong Enero 30, 2024 sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Vietnam.

Bilang tugon sa pangangailangan ng mga naapektuhan, nagbigay ang VCG ng 32 sako ng bigas at 10 kahon ng noodles na personal nilang inihanda. Ang mga ito ay pormal na itinurn-over sa lokal na pamahalaan ng Tabogon, Cebu, sa koordinasyon ng PCG.

Kasabay nito, nagtulong din ang mga tauhan ng PCG at VCG sa medical assistance at relief efforts para sa mga biktima ng lindol.

Nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat ang Philippine Coast Guard, at binigyang-diin na ang tulong ng Vietnam Coast Guard ay patunay ng tunay na pagkakaibigan, malasakit, at pagkakaisa sa pagitan ng dalawang bansa sa harap ng sakuna.