Ipinamalas ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ang kanilang patuloy na determinasyon sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kaayusan sa rehiyon, sa pamamagitan ng mga matagumpay na operasyon mula Setyembre 25 hanggang 30, 2025.

Batay sa ulat ng PRO BAR, 13 sa mga itinuturing na most wanted persons sa rehiyon ang naaresto sa isinagawang serye ng operasyon. Bahagi ito ng pinaigting na kampanya laban sa mga indibidwal na may kinakaharap na mga kaso at matagal nang pinaghahanap ng batas.

Bilang suporta sa kampanya kontra carnapping, nakarekober din ang kapulisan ng isang motorsiklo, habang 27 loose firearms ang nakumpiska sa iba’t ibang lugar sa ilalim ng kanilang mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na pagdadala at pag-iingat ng mga baril.

Samantala, dalawang indibidwal ang naaresto sa mga isinagawang checkpoint at police response operations, patunay na aktibo at mabilis ang tugon ng kapulisan sa mga insidente sa komunidad.

Pinangunahan ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, ang pagbibigay ng direktiba sa mga operatiba upang tiyakin ang tuloy-tuloy na pagganap ng kanilang tungkulin para sa kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon ng Bangsamoro.

Sa ilalim ng kampanyang “Sa Bagong Pilipinas, Ang Gusto ng Pulis, Ligtas Ka!”, patuloy na pinapakita ng PRO BAR ang dedikasyon sa paglaban sa kriminalidad at pagtataguyod ng ligtas na pamayanan para sa bawat mamamayan ng BARMM.