Tiniyak ni Presidential Peace Adviser Secretary Carlito G. Galvez Jr. na nananatiling matatag at buhay ang proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro, sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.

‎Sa kanyang pahayag sa Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules, October 8, binigyang-diin ni Galvez na patuloy ang pag-usad ng Bangsamoro peace process, kasabay ng aktibong pagtutulungan ng mga mekanismong pangkapayapaan upang maisakatuparan ang mga nakasaad sa mga kasunduan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga dating rebolusyonaryong grupo.

‎Ani Galvez, “ang proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro ay nananatiling matatag at patuloy na umaabante.” Dagdag pa niya, ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ay nananatiling nakatuon sa pagpapanatili ng mga tagumpay na nakamit sa rehiyon, lalo na sa aspeto ng kapayapaan at kaunlaran.

‎Kasunod ng desisyon ng Korte Suprema hinggil sa mga probisyon ng Bangsamoro Electoral Code, tiniyak ni Galvez na iginagalang ito ng OPAPRU at nakahandang magtulungan sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) upang makapagpasa ng batas na ganap na naaayon sa Konstitusyon para sa unang halalan ng Bangsamoro Parliament.

‎Nanawagan din siya sa lahat ng peace partners at stakeholders na manatiling nagkakaisa sa pagtataguyod ng kapayapaan at sa paghahanda para sa isang mapayapa, maayos, at kapani-paniwalang halalan sa BARMM.

‎“Maaaring may mga pagsubok, ngunit walang imposible kung ang lahat ay patuloy na maninindigan para sa kapayapaan,” ani Galvez.

‎Dagdag niya, patuloy na magsisikap ang OPAPRU na mapanatili at mapalalim ang mga bunga ng kapayapaan sa Bangsamoro upang magsilbing modelo ng pagkakaisa at pag-unlad para sa buong bansa.