Isang malaking tagumpay laban sa mga rebeldeng komunista ang naitala ng 46th Infantry “Peacemakers” Battalion matapos makarekober ng ilang matataas na kalibre ng armas sa isang operasyon sa Barangay Caranas, Motiong, Samar kahapon Oktubre 8, 2025.

Sa ulat ng militar, kabilang sa mga narekober ang isang M60 machine gun, isang M4 rifle, at dalawang M16 rifles matapos isagawa ang isang focused military operation laban sa mga miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG).

Ayon kay Lieutenant Colonel Marvin A. Inocencio, Commanding Officer ng 46th Infantry Battalion, naging matagumpay ang operasyon dahil sa impormasyong ibinahagi ng dating miyembro ng NPA na sumuko at nakipagtulungan sa militar matapos mapagtantong nalinlang siya ng CTG.

Pinuri ni Lt. Col. Inocencio ang kanyang mga tropa sa ipinakitang propesyonalismo at tapang, at binigyang-diin na bawat armas na nakukuha ay isang hakbang tungo sa kapayapaan at kaligtasan ng komunidad.

Hinikayat din niya ang mga natitirang kasapi ng CTG na magbalik-loob sa pamahalaan, at tiniyak na may nakahandang tulong para sa kanila sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) upang makapagsimula ng panibagong buhay bilang tagapagtaguyod ng kapayapaan at kaunlaran sa Samar.