Matagumpay na narekober ng mga tropa ng 7th Infantry (Tapat) Battalion sa ilalim ng 603rd Infantry (Persuader) Brigade ang ilang pampasabog sa isang inabandonang compound sa Barangay Lagandang, Isulan, Sultan Kudarat, nitong Oktubre 8, 2025, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang residente.

Batay sa ulat ng 603rd Brigade, nagsimula ang operasyon nang iulat ng mga mamamayan ang presensya ng mga kahina-hinalang bagay sa naturang lugar. Agad namang nagsagawa ng clearing operation ang mga sundalo ng 7IB, katuwang ang Army Explosive Ordnance Disposal (EOD) Team, Operational Center–Explosive Hazard Management Response (OPCEN–EHMR), at Joint Peace and Security Team (JPST).

Sa operasyon, narekober ang apat (4) na bala ng Rocket-Propelled Grenade (RPG) at dalawang (2) bala ng Rifle Grenade na iniwan umano sa compound ng isang Mutin Ali.

Pinuri ni Lt. Col. Tristan Rey P. Vallescas, Commanding Officer ng 7IB, ang mabilis na aksyon at kooperasyon ng mga residente.

“Ang tagumpay na ito ay bunga ng pagiging mapagmatyag at pakikipagtulungan ng ating mga kababayan. Hinihikayat namin ang lahat na manatiling alerto at makiisa sa pagpapanatili ng kapayapaan,” pahayag ni Vallescas.

Samantala, pinasalamatan din ni Brig. Gen. Michael A. Santos, Commander ng 603rd Infantry (Persuader) Brigade, ang mga mamamayan sa tiwalang ibinibigay sa kasundaluhan.

“Ang ganitong mga tagumpay ay patunay na kapag nagkakaisa ang mamamayan at militar, hindi magkakaroon ng puwang ang mga kriminal at masasamang elemento. Patuloy naming poprotektahan ang ating komunidad laban sa banta sa kapayapaan,” ani Santos.

Ang mga narekober na pampasabog ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad para sa imbestigasyon at tamang disposisyon.
Patuloy ding nagsasagawa ng follow-up operations ang mga pwersa ng seguridad upang matukoy at mahuli ang mga responsable.

Nanawagan naman ang 603rd Brigade sa publiko na manatiling mapagmatyag at agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng militar o pulisya ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.

VIA 603rd Infantry – Persuader Brigade