Isang makasaysayang hakbang patungo sa kapayapaan ang naganap sa Himpilan ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion sa Barangay Zapakan, kung saan apat na dating miyembro ng Violent Extremist ang boluntaryong sumuko sa pamahalaan at isinuko ang kani-kanilang mga armas. Kasabay nito, labing-pitong loose firearms ang isinuko mula sa iba’t ibang bayan kabilang ang Mamasapano, Shariff Aguak, Sultan sa Barongis, at Radjah Buayan, bilang suporta sa Small Arms and Light Weapons (SALW) Program ng gobyerno.

Pinangunahan ang aktibidad ni Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, 6th Infantry Division, Philippine Army, at dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan. Kabilang sa mga dumalo sina Roger Dionisio mula sa Office of the Provincial Governor; Emmel S. Akmad, Acting Provincial Warden at Peace Program Officer IV ng MPOS-BARMM; Hon. Mohamad Akmad B. Ampatuan, Municipal Vice Mayor ng Shariff Aguak; Datu Penz Magelna, kinatawan ng LGU Ampatuan at Head of Task Force Peace, Unity, Reconciliation, and Development; at Johana D. Matula, Municipal Link ng Radjah Buayan.

Ayon sa ulat, ang apat na sumukong dating kasapi ng extremist ay nagbalik-loob upang mamuhay nang mapayapa kasama ang kanilang pamilya. Bilang bahagi ng reintegration program, tumanggap sila ng tulong mula sa mga ahensya at lokal na pamahalaan, kabilang ang bigas, grocery items, at cash assistance, upang makapagsimula ng bagong buhay.

Sa mensahe ni Brigadier General Catu, binigyang-diin niya ang tagumpay ng kolaborasyon sa pagitan ng militar, lokal na pamahalaan, at komunidad: “Ang bawat sumukong rebelde ay patunay na mas pinipili ng ating kababayan ang kapayapaan kaysa karahasan. Patuloy naming palalakasin ang ugnayan sa LGU at komunidad para sa pangmatagalang kapayapaan sa Maguindanao del Sur.”

Pinuri naman ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6ID at JTFC, ang dedikasyon ng pamunuan ng 601st Brigade, ng 33rd Infantry Battalion, at ng mga LGU sa pagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan at seguridad. “Ang pagkakaisa ng militar, lokal na pamahalaan, at mamamayan ang pundasyon ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran,” ani General Gumiran.

Ang seremonya ay isang malinaw na patunay ng matagumpay na kooperasyon ng militar, lokal na pamahalaan, at mamamayan, bilang bahagi ng patuloy na peace engagement at localized peace efforts ng 601st Brigade at 33rd Infantry (Makabayan) Battalion upang wakasan ang karahasan at isulong ang kapayapaan sa buong probinsiya.

VIA 601st Infantry Unifier Brigade