Naaresto ng mga kasundaluhan ang isang kasapi ng Dawlah Islamiya–Hassan Group sa ikinasang operasyon sa Sitio Pangayawan, Barangay Tukanalugong, Datu Abdullah Sangki, Maguindanao del Sur, kaninang madaling araw ng Oktubre 10. Ang suspek, na kinilalang si alyas Tagal, ay nahuli sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng lokal na korte.

Pinangunahan ng 90th Infantry Battalion sa ilalim ng pamumuno ni Lt. Col. Loqui O. Marco ang operasyon, katuwang ang 65th Infantry Battalion at ang 601st Infantry Brigade. Ayon kay Brigadier General Edgar Catu, Commander ng 601st Brigade, narekober mula sa suspek ang isang .45 kalibreng baril na may apat na bala at isang cellphone na umano’y ginagamit sa mga ilegal na aktibidad ng kanilang grupo.

Binigyang-diin ni Brig. Gen. Catu na patuloy ang kanilang pagtugis sa mga elemento ng Dawlah Islamiya na nagpapalaganap ng karahasan at takot sa mga komunidad. “Ang pagkakaaresto kay alyas Tagal ay patunay na hindi titigil ang ating tropa hangga’t hindi napapanagot ang mga may sala,” aniya.

Batay sa ulat ng militar, si alyas Tagal ay sangkot sa pagpaslang sa isang lider ng katutubo sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur — isang krimeng mariing kinondena ng pamunuan ng 6th Infantry Division (6ID).

Matapos ang operasyon, agad na itinurn-over ng militar sa PNP ang suspek at mga narekober na ebidensiya para sa mas malalim na imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.

Sa isang pahayag, sinabi ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at ng Joint Task Force Central, na ang pagpatay sa lider-katutubo ay isang mabigat na dagok sa kapayapaan at pagkakaisa ng mamamayan. “Hindi natin papayagang manaig ang karahasan. Ang pagkakaaresto kay alyas Tagal ay hakbang tungo sa hustisya at pagpapanumbalik ng kapanatagan sa ating mga komunidad,” aniya.

Dagdag pa ni MGen. Gumiran, patuloy ang kampanya ng 6ID para sa kapayapaan at proteksyon ng mga katutubong pamayanan sa Maguindanao del Sur. “Katuwang ninyo kami sa pagtataguyod ng maayos, ligtas, at marangal na pamumuhay ng ating mga kapatid na katutubo sa kanilang lupang ninuno,” dagdag ng opisyal.

Samantala, nagpapatuloy pa ang isinasagawang operasyon ng militar laban sa mga natitirang kasapi ng Dawlah Islamiya sa lalawigan at mga karatig na lugar.

SOURCE: Kampilan Trooper Updates, Philippine Army