Pinuri ng Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur ang matagumpay na operasyon ng mga otoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng isa sa mga suspek sa brutal na pagpatay at pagputol ng ulo ni Non-Moro Indigenous People (NMIP) leader Ramon Lupos sa bayan ng Datu Hoffer.
Batay sa ulat, ang operasyon ay pinangunahan ng 601st Infantry Brigade, katuwang ang 90th at 65th Infantry Battalions ng Philippine Army, na isinagawa noong Oktubre 10 sa Barangay Tukanalugong, Datu Abdullah Sangki. Itinuturing ng mga awtoridad na malaking hakbang ito tungo sa paghahatid ng hustisya para sa biktima at sa kanyang pamilya.
Sa inilabas na pahayag, muling tiniyak ni Governor Datu Ali Midtimbang, Al Hajj ang buong suporta ng pamahalaang panlalawigan sa mga pagsisikap ng militar at kapulisan upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan. Binibigyang-diin din ng gobernador ang pangakong papanagutin ang mga nasa likod ng naturang karumal-dumal na krimen.
Hinikayat din ni Gov. Midtimbang ang mga mamamayan ng Maguindanao del Sur na manatiling mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pagpapanatili ng katahimikan at seguridad ng probinsya.