Ipinahayag ng Taipei Economic and Cultural Office (TECO) sa Pilipinas ang pagbibigay ng Taiwan ng US$200,000 bilang humanitarian aid para sa mga biktima ng kamakailang lindol sa lalawigan ng Cebu.
Ayon kay TECO Representative Wallace Minn-Gan Chow, ang tulong ay ipapadaan sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) patungo sa pamahalaang panlalawigan ng Cebu. Kasunod nito, magpapadala rin umano ang Taiwan ng mga karagdagang relief materials.
“Ito ay unang bahagi ng tulong mula sa pamahalaan ng Taiwan na ipagkakaloob sa pamamagitan ng MECO, bilang pakikiisa namin sa mga mamamayan ng Cebu,” ani Chow sa selebrasyon ng National Day ng TECO sa Maynila.
Ipinagdiriwang ng Taiwan ang kanilang National Day tuwing Oktubre 10, bilang paggunita sa Xinhai Revolution noong 1911 na nagbunsod sa pagkakatatag ng Republic of China.
Kasabay ng pagdiriwang, nagpahayag din ng pagkabahala ang Taiwan sa tinatawag nitong “gray zone tactics” ng China—mga hindi direktang agresyon tulad ng disinformation, panghihimasok sa halalan, at economic coercion na layong pahinain ang mga demokratikong bansa, kabilang ang Pilipinas.
“Patuloy na tumitindi ang agresibong kilos ng China sa Taiwan Strait, South China Sea, at West Philippine Sea,” ani Chow. “Ang mga gray zone tactics ay ginagamit upang maimpluwensyahan at maapektuhan ang mga demokratikong lipunan.”
Patuloy namang iginigiit ng China ang kanilang malawak na pag-aangkin sa South China Sea, kabilang ang mga lugar sa loob ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas—mga claim na ibinasura ng 2016 Arbitral Ruling sa The Hague.
Giit ng Taiwan, nananatili itong isang malayang estado na may sariling pamahalaan, sandatahang lakas, at konstitusyon, sa kabila ng pagturing ng Beijing na ito ay isang lalawigan ng China.
“Sa pagtatangka ng China na burahin ang katotohanang ang Republic of China (Taiwan) ay isang soberanong bansa, sinusubukan nilang hadlangan ang karapatan ng Taiwan na lumahok sa sistemang pandaigdig tulad ng United Nations,” dagdag pa ni Chow.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang Chinese Embassy sa Maynila kaugnay ng mga sinabi ng TECO.
Samantala, nananatiling tapat ang Pilipinas sa One China Policy, na kumikilala sa People’s Republic of China bilang tanging lehitimong gobyerno ng China. Gayunpaman, nagpapatuloy pa rin ang di-opisyal na ugnayan ng dalawang bansa sa pamamagitan ng MECO sa Taipei at TECO sa Maynila.