Nalagutan ng hininga ang isang lalaki habang dalawa pa ang nakatakas matapos isagawa ng mga operatiba ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, katuwang ang Maguindanao del Norte Provincial Mobile Force Company at Provincial Police Drug Enforcement Unit, ang isang buy-bust operation bandang alas-2:50 ng hapon kahapon, Sabado, Oktubre 11, 2025, sa Poblacion Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Esmael Madin, Chief of Police ng Datu Odin Sinsuat MPS, ang nasawing suspek na si Saidamin Saban Esmail, alyas “Dats,” 25 taong gulang, walang trabaho, at residente ng Barangay Brar, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur. Itinuturing si Esmail bilang isang High-Value Individual (HVI) na sangkot umano sa ilegal na droga.

Batay sa imbestigasyon, agad umanong nakatunog ang suspek na pulis ang kanyang katransaksyon kaya mabilis itong tumakas patungo sa isang kalapit na paaralan. Habang tinutugis, bumunot umano si Esmail ng baril at nagpaputok sa mga operatiba, dahilan upang gumanti ng putok ang mga pulis na naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Samantala, nakatakas naman ang dalawa niyang kasamahan na hanggang ngayon ay pinaghahanap.

Nasamsam sa pinangyarihan ng operasyon ang limang (5) sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang may kabuuang timbang na 250 gramo at nagkakahalaga ng Php 1,700,000.00 base sa Standard Drug Price ng PDEA. Nakuha rin ang pitaka ng suspek na naglalaman ng kanyang identification card at ang buy-bust money na binubuo ng isang tunay na Php 1,000 bill at tatlong bungkos ng pekeng pera o boodle money.

Tatlong (3) basyo ng bala na pinaniniwalaang mula sa kalibreng .45 na baril ang natagpuan rin sa lugar ng insidente.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy at maaresto ang mga nakatakas na kasabwat ng nasawing suspek.

Lahat ng larawan ay kuha mula sa Pulis Serbis Balita