Pinayagan na muling makabalik sa trabaho at klase ang lahat sa lalawigan ng Maguindanao del Sur matapos ianunsyo ng pamahalaang panlalawigan ang pag-aalis ng suspensyon. Ito ay kasunod ng masusing pagsusuri sa mga pinsalang dulot ng lindol noong Oktubre 10, 2025.
Sa bisa ng Executive Order No. 026 na nilagdaan ni Gobernador Datu Ali M. Midtimbang noong Oktubre 12, ipinahayag na ligtas nang mag-operate muli ang mga tanggapan at paaralan, pampubliko man o pribado. Ang desisyon ay base sa resulta ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.

Ipinatigil ang lahat ng trabaho at klase matapos ang lindol na may lakas na magnitude 7.4, na sinundan pa ng mga aftershock, kabilang ang isa na umabot ng magnitude 6.0. Agad namang nagsagawa ng inspeksyon ang RDANA Team sa Provincial Capitol sa Buluan at iba pang mahahalagang gusali.
Ayon sa ulat, ang mga pinsala ay minor hanggang moderate lamang at hindi nanganganib ang pangkalahatang istruktura. May ilang bahagi na pansamantalang isinara para sa pagkukumpuni at hindi muna pinapayagang gamitin.
Dahil dito, inutusan ni Gobernador Midtimbang na magbalik-operasyon ang lahat ng ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at mga paaralan. Patuloy na limitado ang access sa mga lugar na may panganib at kailangang ipagpatuloy ang pagsunod sa mga safety protocols.
Inatasan din ang mga pinuno ng opisina at paaralan na huwag payagang pumasok sa mga apektadong lugar hangga’t hindi pa ito naaayos. Kailangan din nilang magsagawa ng regular na inspeksyon, lalo na pagkatapos ng mga aftershock, at agad na mag-ulat sa Provincial Engineering Office at PDRRMC kung may bagong problema.
Ang Provincial Engineering Office naman ang mangunguna sa pagkukumpuni sa mga apektadong bahagi ng mga tanggapan, kabilang ang Provincial Budget Office, Office of the Provincial Accountant, at ilang bahagi ng Gender and Development Office, Office of the Provincial Administrator, at Bids and Awards Committee.
Sa huli, ipinag-utos din ang malawakang impormasyon at koordinasyon ng kautusang ito sa lahat ng LGUs, paaralan, at ahensya upang masigurong ito ay agad na maipapatupad.
