Isang lalaki ang nasawi habang isa naman ang nakaligtas matapos ang insidente ng pamamaril sa Barangay Bugasan Norte, Matanog, Maguindanao del Norte nitong Linggo ng gabi, Oktubre 12, 2025.
Kinilala ang biktimang nasawi na si Pao Adam, nasa hustong gulang at residente ng Parang, Maguindanao del Norte. Samantalang ligtas naman ang isa pang kasama nitong si Pangalian Casim Bara, na kapwa taga-Parang rin.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay umano ang mga biktima ng isang Bajaj Kawasaki motorcycle na may sidecar at nagmula sa Barangay Gadungan, Parang, patungo sana sa Barangay Poblacion 1, Parang, Maguindanao del Norte.
Pagsapit umano nila sa Barira–Parang junction, biglang sumulpot ang mga suspek na armado ng maiikling baril at sapilitang pinasakay ang dalawa, saka pinadirekta patungong Matanog.
Pagdating sa Barangay Bugasan Norte, doon na umano pinaputukan ng mga salarin si Adam na nagtamo ng tama ng bala sa ulo na agad niyang ikinasawi. Samantala, nagawang makatakbo palayo ni Bara at makaligtas sa insidente.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek sa hindi pa matukoy na direksyon matapos ang pamamaril.
Kinuha ng pamilya ang bangkay ng biktima at dinala pauwi sa kanilang tahanan sa Parang.
Kasalukuyang nagsasagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Matanog Municipal Police Station upang matukoy at maaresto ang mga responsable sa krimen, habang patuloy pa ring inaalam ang motibo sa likod ng pamamaril.