Nabuwag ang isang hinihinalang drug den at naaresto ang tatlong personalidad ng droga sa ikinasang buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency – BARMM Regional Special Enforcement Team (RSET) noong Oktubre 13, 2025 sa Barangay Salimbao, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Ang operasyon ay isinagawa sa tulong ng Maguindanao del Sur Provincial Office at sa koordinasyon ng Sultan Kudarat Municipal Police Station (MPS).

Nasamsam sa operasyon ang 15 heat-sealed plastic sachets ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng humigit-kumulang limang (5) gramo at may tinatayang halagang ₱34,000. Bukod dito, narekober din ang dalawang cellphone, iba’t ibang drug paraphernalia, at buy-bust money.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas Yanyan o Poupoy (drug den maintainer), 23 anyos; alyas Shiela, 35 anyos; at alyas Angelito, 28 anyos — pawang mga residente ng Barangay Salimbao, Sultan Kudarat.

Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng PDEA-BARMM laban sa iligal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan ng mga komunidad sa rehiyon.