Nagtagumpay ang pinagsanib na operasyon ng mga elemento ng Army at PNP sa pagsalakay sa Barangay Baluno, Naga, Zamboanga Sibugay noong Oktubre 10, 2025, kung saan nasamsam ang mga iligal na droga at armas.

Pinangunahan ng Charlie Company, 106th Infantry Battalion sa pamumuno ni 2LT Algeon R. Caranguian ang operasyon, katuwang ang 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) Zamboanga Sibugay na pinamumunuan ni PMAJ Brent Ian S. Salazar, kasama rin ang mga yunit mula sa Regional at Provincial Intelligence Units, Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), at Regional Intelligence Unit 9 ZSBPIT sa ilalim ng TIP “EAGLE.”

Sa bisa ng Search Warrant Nos. 307 at 308 para sa paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), narekober ng mga operatiba ang dalawang malalaking sachet ng hinihinalang shabu, isang .45 kalibreng baril (1911 US ARMY model) na walang serial number, 21 bala, tatlong magazine, at iba’t ibang drug paraphernalia tulad ng digital scale at improvised tooters.

Agad na itinurn-over sa mga awtoridad ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at imbestigasyon.

Ang matagumpay na operasyon ay patunay ng matibay na kooperasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa pagsugpo sa ilegal na droga at mga hindi lisensyadong armas, tungo sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Zamboanga Sibugay.