Nanatiling pinakamababa sa buong bansa ang inflation rate ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos magtala ng -1.5% noong Setyembre 2025, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Oktubre 20.
Bahagyang bumaba ito mula sa -1.3% noong Agosto, na nagpapatuloy sa deflation trend ng rehiyon simula pa noong Abril. Sa kabuuan ng bansa, tumaas naman ang inflation sa 1.7% mula 1.5% noong nakaraang buwan.
Ayon kay Edward Donald Eloja, hepe ng Statistical Operations and Coordination Division ng PSA-BARMM, ang pagbaba ng presyo ay bunsod ng murang halaga ng pagkain, inumin, kuryente, LPG, kamatis, at asukal.
Dagdag pa ni Eloja, bumaba rin nang bahagya ang presyo sa ilang sektor tulad ng furnishings, information and communication, at recreation, habang bahagyang tumaas naman sa clothing, transportasyon, at mga bayarin sa kuryente at tubig.
Samantala, sinabi ni Camelia De Vera-Dacanay ng Bangsamoro Planning and Development Authority (BPDA) na nakabubuti ang deflation sa mga mamimili dahil mas lumalakas ang kanilang purchasing power.
Aniya, nagsisilbi rin ang inflation report bilang gabay para sa mga mamimili at mamumuhunan sa pagdedesisyon ng kanilang mga bibilhin at negosyo.
Sa mga lalawigan, Basilan ang may pinakamalalim na deflation sa -3.1%, sinundan ng Maguindanao (-2.8%), Tawi-Tawi (-1.6%), at Lanao del Sur (-0.4%).
Samantala, Cotabato City ay nakapagtala ng -2.3%, mas mababa kumpara sa -3.4% noong Agosto.
Photo credits: Bangsamoro Information Office