Isang high-risk operation ang isinagawa ng PNP sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Martes, Oktubre 15, laban sa isa sa mga pinaka–wanted na kriminal sa lalawigan, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr.

Pinangunahan ng DOS MPS ang operasyon, kasama ang SAF, Provincial Intelligence Unit, PIDMU, 1st PMFC, 2nd MP, at Marine Battalion Landing Team. Layunin nitong ipatupad ang mga warrant of arrest kaugnay ng illegal possession of firearms and explosives, at resistance to a person in authority.

Nagkaroon ng armadong engkwentro sa lugar. Nakumpiska ang high-powered firearms, isang caliber .45 pistol, at mga gamit na may kaugnayan sa droga. Tatlong operatiba, kabilang ang isang pulis at dalawang Marines, ay nasugatan ngunit nasa matatag na kondisyon; nakatanggap sila ng medikal at financial assistance mula sa PNP.

Pinuri ni Acting Chief PNP PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang tapang at propesyonalismo ng mga tauhan at binigyang-diin ang kahalagahan ng operasyon sa pagpapanatili ng kaayusan at katarungan. Ayon kay PNP Spokesperson PBGEN Randulf T. Tuaño, ang maingat na pagpaplano at koordinasyon ng lahat ng yunit ang susi sa kaligtasan ng publiko.

Ang operasyon ay sumasalamin sa bisyon ng Bagong PNP: serbisyong mabilis, tapat, at nararamdaman. Patuloy ang hakbang ng PNP para mahanap ang iba pang sangkot at mapanatili ang kapayapaan sa lugar.