Nasagip ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 11 ang 17 senior citizens mula sa isang care facility sa Maramag, Bukidnon na natuklasang marumi at walang kaukulang rehistro.
Isinagawa ng ahensya ang operasyon noong Sabado, Oktubre 11, matapos makatanggap ng ulat hinggil sa mapanganib na kalagayan ng mga nakatatanda sa nasabing pasilidad.
Ayon kay DSWD co-spokesperson Juan Carlo Marquez, lumalabas sa kanilang imbestigasyon na walang rehistrasyon ang care facility at hindi ligtas para sa mga residente. Dahil dito, agad na isinagawa ang rescue operation upang mailipat sa mas maayos na lugar ang mga matatanda.
Batay sa mga naunang inspeksyon ng DSWD nitong Pebrero at Abril, lumabag ang pasilidad sa mga pamantayan ng kaligtasan, kabilang ang kawalan ng malinis na palikuran, maayos na higaan, tamang rekord ng mga residente, at mga kwalipikadong tagapag-alaga.
Kasunod ng operasyon, dinala na sa mga DSWD-managed facility at mga lokal na residential center ang 17 nasagip na senior citizens upang mabigyan ng sapat na pangangalaga.
Ibinunyag din ng DSWD na nakapagbigay na sila ng teknikal na tulong sa naturang pasilidad noong mga nakaraang buwan upang ayusin ang mga kinakailangang dokumento, ngunit nabigong makasunod sa mga alituntunin.
Samantala, naglabas na rin ng cease and desist order ang DSWD laban sa dalawang care facilities sa Central Luzon dahil sa iba’t ibang paglabag sa regulasyon.