Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng ₱3.39 bilyon bilang pondo para sa Performance-Based Bonus (PBB) ng 225,545 kwalipikadong opisyal at kawani ng Philippine National Police (PNP) para sa Fiscal Year 2023.

Ayon kay Budget Secretary Amenah F. Pangandaman, karapat-dapat lamang na matanggap ng mga pulis ang naturang insentibo bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon at tapat na serbisyo sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.

“Ang ating mga pulis ay haligi ng ating bansa. Nakikita natin ang kanilang sipag at sakripisyo, kaya sisiguruhin nating matatanggap nila ang nararapat para sa kanila,” ani Pangandaman.

Ang hakbang na ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang morale at kapakanan ng mga kawani ng pamahalaan, partikular na ang mga tagapagpatupad ng batas.

Batay sa inilabas na pondo, bawat kwalipikadong pulis ay makatatanggap ng PBB na katumbas ng 45.5% ng kanilang buwanang basic salary noong Disyembre 31, 2023. Kabilang dito ang mga opisyal at empleyado mula First, Second, at Third Levels na nakakuha ng rating na hindi bababa sa “Very Satisfactory” sa ilalim ng Strategic Performance Management System ng Civil Service Commission.

Ang pondo para rito ay kukunin mula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) sa ilalim ng Republic Act No. 12116 o ang 2025 General Appropriations Act (GAA).

Ayon sa Final Eligibility Assessment Report ng Administrative Order No. 25 Inter-Agency Task Force (AO25 IATF) na inilabas noong Setyembre 16, 2024, kwalipikado ang PNP para sa PBB.

Dagdag ni Pangandaman, bagama’t maliit na halaga kung ikukumpara sa sakripisyong ibinibigay ng kapulisan, malaking tulong ito sa kanilang mga pamilya.

“Maliit na bagay lang ito kumpara sa dugo at pawis na ibinubuhos ng ating kapulisan araw-araw. Pero sa bawat pisong matatanggap nila, naroon ang pagkilala ng pamahalaan sa kanilang kabayanihan at tapat na paglilingkod,” aniya.

Dagdag pa ng kalihim, magagamit ng mga pulis ang bonus para sa mga pangangailangang pangkabuhayan, tulad ng pagkain, tuition ng mga anak, o dagdag budget sa bahay.

“Sa pamamagitan ng bonus na ito, pinapatunayan nating pinahahalagahan natin ang kanilang serbisyo, at patuloy nating isinusulong ang pamahalaang nagbibigay-gantimpala sa mahusay at tapat na paglilingkod,” pagtatapos ni Pangandaman.