Naudlot ang tangkang pangingikil ng mga natitirang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Leyte matapos ang engkwentro sa pagitan ng mga tropa ng 14th Infantry (Avenger) Battalion at ng rebeldeng grupo sa kabundukan ng Barangay Caraye, bayan ng Javier, Leyte noong Oktubre 15, 2025.
Tumugon ang mga sundalo sa ulat ng mga residente ukol sa tangkang pangingikil ng pagkain ng mga rebelde. Dito naganap ang sagupaan sa mga miyembro ng Island Committee LEVOX ng NPA na pinamumunuan ni Fermin Gozon, alyas “Jaguar.” Tumagal ng humigit-kumulang sampung minuto ang putukan, na nagresulta sa mabilis na pag-atras ng mga rebelde at pag-iwan ng kanilang mga gamit.
Nasamsam ng tropa ang isang improvised na Garand rifle, ilang bala, mga backpack, isang solar panel, at iba pang personal na gamit ng mga rebelde.
Ayon kay Colonel Rico O. Amaro, pansamantalang kumander ng 802nd Infantry (Peerless) Brigade, patuloy ang paninindigan ng Army na protektahan ang mga pamayanan laban sa pagsasamantala ng NPA. Hinihikayat din niya ang mga natitirang kasapi ng grupo na itigil na ang armadong pakikibaka at magbalik-loob sa pamahalaan sa pamamagitan ng mga reintegration program.
“Para kay alyas Jaguar at sa kanyang mga kasamahan, hindi pa huli ang lahat para sumuko at mamuhay nang mapayapa kasama ang inyong pamilya. Malapit na ang Pasko—ito na ang pagkakataong umuwi,” pahayag ni Col. Amaro.