Matagumpay na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office XII ang isang operasyon sa pagbuwag ng taniman ng marijuana noong Oktubre 19, 2025, bandang alas-10 ng umaga sa Sitio Benigno Aquino, Brgy. Miasong, Tupi, South Cotabato—isang bulubunduking lugar sa hangganan ng Columbio, Tupi, at Tampakan.

Sa naturang operasyon, tinanggal at sinunog ang tinatayang 11,502 fully grown na halamang marijuana na may kabuuang halagang aabot sa ₱1,380,240.00. Karamihan sa mga halaman ay sinunog agad sa lugar, habang dalawang piraso naman ang kinuha para sa pagsusuri sa laboratoryo.

Pinangunahan ng PDEA Sultan Kudarat Provincial Office ang joint operation, katuwang ang PDEA South Cotabato Provincial Office, PDEA RO XII Regional Special Enforcement Team (RSET), PNP 1205th at 1201st Regional Mobile Force Battalion 12, at ang Tupi Municipal Police Station.

Patuloy namang pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang suspek na kinilalang si alias “Jan Cris,” na nakatakas sa panahon ng operasyon.

Ang matagumpay na operasyong ito ay paglabag sa Section 16, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at nagpapakita ng mas pinatinding kampanya ng PDEA RO XII laban sa ilegal na taniman at pagkalat ng droga sa Rehiyon XII.