Naaresto ng pinagsamang pwersa ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang ika-siyam sa listahan ng Most Wanted Persons sa rehiyon sa isang operasyon sa Barangay Rempes, Upi noong Oktubre 19, 2025.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Jayjay,” nasa tamang edad at residente ng Upi. Siya ay naaresto sa bisa ng umiiral na warrant of arrest para sa kasong Murder. Ang tagumpay ng operasyon ay nag-ugat mula sa impormasyon na ibinahagi ng isang concerned citizen.

Pinuri ni Police Brigadier General Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, ang mabilis at koordinadong aksyon ng mga operatiba. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pakikiisa ng komunidad sa pagtukoy at pagdakip sa mga pinaghahanap ng batas.

“Ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay na malaki ang papel ng publiko sa pagsugpo ng kriminalidad. Patuloy tayong nananawagan ng kooperasyon mula sa bawat mamamayan upang mas mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon ng Bangsamoro,” pahayag ni De Guzman.

Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad at haharap sa mga kasong isinampa laban sa kanya.