Walong (8) pinaghihinalaang miyembro ng lokal na teroristang grupo ang nadakip ng mga kasundaluhan sa isang matagumpay na operasyon nitong Oktubre 20, 2025, bandang 4:30 ng madaling araw sa Shariff Aguak. Kasama sa nasamsam ang isang M16A1 rifle, 11 magasin, at mahigit 200 bala ng 5.56mm, pati na rin ang mga cellphones na posibleng ginagamit sa koordinasyon ng mga teroristang aktibidad.

Ayon kay Brig. Gen. Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, ang operasyon ay bahagi ng Decisive Military Operation (DMO) ng pinagsamang pwersa ng militar matapos makatanggap ng ulat tungkol sa presensya ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters – Bungos Faction (BIFF-BF) at Dawlah Islamiyah – Hassan Group (DI-HG) sa lugar.

“Ang pagkakadakip sa mga indibidwal na ito ay bunga ng matibay na pakikipagtulungan ng ating mga kababayan at militar. Ipinapakita nito na unti-unti nang nawawala ang suporta ng komunidad sa terorismo, at mas pinipili na ng mamamayan ang kapayapaan kaysa karahasan,” ani Brig. Gen. Catu.

Agad na isinailalim sa masusing imbestigasyon at custodial debriefing ang mga naarestong suspek sa koordinasyon ng Datu Unsay Municipal Police Station (MPS) para sa kaukulang disposisyon.

Pinuri naman ni Maj. Gen. Donald M. Gumiran, Commander ng Western Mindanao Command at ng 6th Infantry (Kampilan) Division / Joint Task Force Central, ang operasyon bilang patunay ng dedikasyon at kahusayan ng mga tropa sa paglaban sa terorismo. “Sa bawat matagumpay na operasyon, binabasag natin ang mga pader ng takot at karahasan at pinapalakas ang ugnayan sa lokal na pamahalaan at mamamayan para sa pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa Central at South-Central Mindanao,” dagdag ni Maj. Gen. Gumiran.