Napawi ang tensiyon sa Barangay Barungis, Ligawasan, Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao matapos mamagitan ang tropa ng 40th Infantry “Magiting” Battalion sa nagaganap na palitan ng putok noong Oktubre 22, 2025.
Batay sa ulat ni Lt. Col. Erwin Jay Dumaghan, Commanding Officer ng 40IB, nakatanggap sila ng tawag dakong alas-6:00 ng umaga mula sa isang residente hinggil sa sagupaan ng dalawang armadong grupo sa Sitio Tuka. Agad umanong rumesponde ang militar upang pigilan ang posibleng paglala ng sitwasyon at protektahan ang mga sibilyan.
Pansamantalang tumigil ang putukan sa pagdating ng mga sundalo ngunit muling sumiklab ang tensiyon kaya’t kinakailangang direktang mamagitan ang tropa ng 40IB. Kinilala ang mga naglalabang grupo na pinamumunuan nina Mackly Adam at Taib Sampulna, na kasalukuyang nagsisilbi bilang barangay kagawad.
Dakong ala-1:00 ng hapon, nagsagawa ng clearing operation ang kasundaluhan at nakarekober ng pitong matataas na uri ng armas at isang granada sa pinangyarihan ng insidente. Isa naman ang naiulat na nasawi sa panig ni Sampulna na kinilalang si Jiango Sampulna.
Ipinasa na sa kapulisan ang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na ugat ng sigalot at upang masampahan ng kaso ang mga sangkot.
Tiniyak ni Brigadier General Ricky Bunayog, Commander ng 602nd Infantry Brigade, na magpapatuloy ang presensiya ng militar sa lugar upang maiwasan ang muling pagsiklab ng karahasan. Aniya, mahalagang hindi kumalat ang girian at hindi maapektuhan ang pamumuhay ng mga residente sa Ligawasan.
Pinuri naman ni Major General Donald Gumiran, Commander ng Western Mindanao Command at Joint Task Force Central, ang mabilis na aksyon ng militar at ang pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Boy Hashim Mama. Giit ni Maj. Gen. Gumiran, ang agarang interbensyon ay patunay ng kolektibong pagsisikap na panatilihin ang kapayapaan at itaguyod ang rule of law sa rehiyon ng BARMM.