Patuloy na binabantayan ng lokal na pamahalaan ng Ligawasan sa Special Geographic Area (SGA) ng BARMM ang tensyon sa Barangay Barungis kasunod ng alitang kinasasangkutan ng dalawang pamilya.

Mahigpit ang koordinasyon ng LGU sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang posibleng paglala ng sigalot.

Kasunod nito, agad ipinatupad ang mga hakbang pangseguridad at preventive measures bilang tugon sa insidente.

Kabilang sa mga isinagawang hakbang ang pagbibigay ng food packs at iba pang ayuda sa mga residenteng naapektuhan, bilang bahagi ng pagpapatuloy ng serbisyo publiko at pagpapakita ng malasakit sa mamamayan.

Tiniyak ng LGU na mananatili silang nakahanda sa anumang posibleng pagbabago sa sitwasyon at patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan upang mapangalagaan ang katahimikan, pagkakaisa, at kapakanan ng publiko.