Nagtungo sa Bangsamoro Parliament si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Carlito Galvez Jr. para sa isang courtesy visit kay bagong halal na Speaker Mohammad Yacob kasunod ng pormal nitong pag-upo sa tungkulin ngayong linggo.
Tinalakay sa pulong ang pagpapatibay ng ugnayan at kooperasyon sa pagitan ng pambansang pamahalaan at Bangsamoro government upang mapanatili ang mga nakamit na progreso sa proseso ng kapayapaan. Muling tiniyak ni Galvez ang buong suporta ng national government sa pamumuno ni Speaker Yacob at sa mandato ng Bangsamoro Parliament.
Pinuri rin niya ang Parlyamento sa aniya’y patuloy na pagpapakita ng political maturity at pagtutulak ng inklusibong pamamahala, at iginiit na personal niyang nasaksihan ang malaking pagbabago at pag-unlad ng Bangsamoro Transition Authority mula nang ito ay buuin.
Sinabi ni Galvez, “Nakita ko kung paano nagsimula ang BTA at kung saan na ito patungo. Inaasahan kong lalo pa itong magtatagumpay at higit na uunlad ang proseso ng kapayapaan.”
Tinalakay rin sa pagpupulong ang mga legislative priorities ng Parliament, partikular na ang mga panukalang magpapatatag sa mga reporma at magpapalawak sa awtonomiya ng rehiyon.
Samantala, tiniyak ni Speaker Yacob na nananatiling nakatuon ang regional legislature na makipagtulungan sa lahat ng sektor upang maisulong ang layunin ng Bangsamoro peace process at matiyak ang kapakinabangan nito para sa mamamayan ng rehiyon.

















