Isang 27-anyos na lalaki ang sugatan matapos barilin ng kanyang katrabaho sa 3rd Street, Barangay Rosary Heights 5, Cotabato City, pasado alas-11:50 ng gabi, Oktubre 26, 2025.

Kinilala ng Cotabato City Police Station 2 ang biktima na si alyas Abdul, 27 anyos, kasal, at waiter sa isang sikat na Restobar, residente ng San Pablo Village, RH-11, Cotabato City.
Ang suspek naman ay nakilalang si “Dhen” o Nash, lalaki, nasa hustong gulang, at kapwa waiter din sa nasabing establisimyento.
Batay sa ulat ng pulisya, tinawagan umano ng suspek ang biktima upang sunduin at ihatid pauwi, ngunit pagdating ni Alib sa lugar, bigla umano siyang pinaputukan ng apat na beses ng suspek at tinamaan sa kanang kilikili.

Nakatalon pa umano ang biktima at nakatakbo sa isang boarding house upang manghingi ng tulong, habang tumakas naman ang suspek sakay ng isang itim na Kawasaki Bajaj motorcycle patungo sa di pa matukoy na direksyon.
Agad na isinugod ng mga residente ang biktima sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) para sa gamutan.
Ayon sa pahayag ng biktima, nagkaroon na sila ng mainit na pagtatalo kamakailan ng suspek kaugnay ng kanilang trabaho.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), narekober sa crime scene ang tatlong (3) basyo at isang (1) bala ng Caliber .45 na isinailalim na sa ballistic examination

Pinangunahan ni Police Captain Anuar M. Mambatao, Station Commander ng PS2-CCPO, ang mabilis na pagresponde at pagsasagawa ng hot pursuit operation, ngunit nabigo pa ring maaresto ang suspek.
Patuloy ang imbestigasyon at pagkuha ng CCTV footage mula sa mga karatig na bahay upang matukoy ang kinaroroonan ng salarin.

















