Matagumpay na nasagip ng Coast Guard District Southeastern Mindanao ang isang pawikan na kabilang sa endangered species sa baybayin ng Barangay Sasa sa Davao City.

Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang Coast Guard Sub-Station Sasa at Marine Environmental Protection Group (MEPERG) hinggil sa isang pawikan na palutang-lutang malapit sa dalampasigan. Agad na rumesponde ang mga tauhan at ligtas na nasagip ang nasabing Green Sea Turtle (Chelonia mydas).

Batay sa paunang pagsusuri, nangangailangan pa ng karagdagang pangangalaga at pagmamanman ang pawikan kaya ito ay ibinigay sa Aboitiz Cleanergy Park, isang itinalagang santuwaryo para sa konserbasyon, rehabilitasyon, at pagpapalaya ng mga marine turtle sa Davao City.

Binigyang-diin ng Coast Guard na ang bawat nasasagip na pawikan ay paalala ng kahalagahan ng pangangalaga sa karagatan, at nananawagan sila sa publiko na agad ipagbigay-alam sa pinakamalapit na yunit ng Coast Guard ang anumang insidente ng nasugatan o nahuling yamang-dagat upang mabigyan ng agarang aksyon at tamang pag-aalaga.


















