Ipinahayag ni Basilan Governor Mujiv Hataman na unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon sa Tipo-Tipo matapos ang matagumpay na negosasyon at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor. Ayon sa gobernador, humupa na ang tensyon sa lugar dahil sa maagap na koordinasyon at pagkilos ng mga peace partners, Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), gayundin ng mga traditional at religious leaders.
Nagpahayag siya ng taos-pusong pasasalamat sa pamumuno at suporta nina Mayor Tong Istarul, Commander Rajan Aburahman, Basilan Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities Chair Samad Hatain, at dating Vice Governor Alrasheed Sakkalahul na umano’y naging mahalagang katuwang sa pagpapanumbalik ng katahimikan at kaayusan sa mga komunidad.
Binigyang-diin ni Governor Hataman na ang pagkakaisa at pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, security forces, at mga lider-komunidad ang naging susi sa muling pagbabalik ng kapayapaan sa lugar. Hinimok niya ang publiko na ipagpatuloy ang kooperasyon upang mapanatili ang kapayapaan, seguridad, at pagpapaunlad sa buong lalawigan ng Basilan para sa kapakinabangan ng lahat ng Basileño.

















