Kinumpirma ng Office of the President na mananatiling nakaupo ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) bilang lehitimong namumunong kinstawan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos ipagpaliban ng Korte Suprema ang nakatakdang halalan noong Oktubre 13, 2025.
Ayon sa pahayag na inilabas nitong Oktubre 30, 2025, ang BTA ay patuloy na gaganap sa buong kapangyarihan at awtoridad hanggang sa transition period na itinakda na hindi lalampas sa Marso 31, 2026, o hanggang sa mahalal o maitalaga ang mga bagong opisyal.
Batay sa Republic Act No. 12123, dahil walang halalang naganap, hindi na kailangan ang panibagong appointment mula sa Pangulo at ang mga kasalukuyang miyembro ay mananatili sa kanilang posisyon alinsunod sa batas hanggang sila ay mapalitan o magwakas ang kanilang termino sa ilalim ng extended transition period. Nanatiling nasa kapangyarihan din ng Office of the President ang paggawa ng anumang pagbabago sa komposisyon ng BTA habang nasa yugto ng transisyon.
Ipinahayag din ng Malacañang na ang pagpapatuloy ng BTA ay mahalaga sa pagpapanatili ng katatagan ng pamahalaan sa rehiyon, pagpapatuloy ng legal na balangkas, at maayos na transisyon patungo sa ganap na pamahalaang rehiyonal.
Binigyang-diin ng Office of the President ang patuloy nitong pagtutok sa kapayapaan, sariling pamamahala, at inklusibong pag-unlad para sa Bangsamoro region.

















