Inilahad ni Maguindanao del Norte Governor Datu Tucao O. Mastura, CPA ang ulat hinggil sa unang 100 araw ng kanyang pamumuno, na nakatuon sa tatlong pangunahing haligi ng kanyang administrasyon: Development, Transformation, at Opportunity.
Kabilang sa mga pangunahing hakbang ang pagpapatupad ng Executive Order No. 01, series of 2025, na nagtatag ng 10-Point Development Agenda. Sa ilalim nito, itinaas ng Department of Finance ang antas ng lalawigan mula ika-4 tungo sa 1st-Class Province, na inaasahang magpapalawak ng kakayahan ng pamahalaan sa paghahatid ng serbisyo.
Sa imprastraktura, tampok ang rehabilitasyon ng Simuay at Quirino Bridges at ang planong pagtatayo ng bagong tulay sa Simuay area sa tulong ng DPWH, upang mapabuti ang koneksyon sa pagitan ng Cotabato City, Sultan Kudarat, at mga kalapit bayan.
Sa kapayapaan, nagpapatuloy ang pakikipagtulungan ng pamahalaang panlalawigan sa Independent Decommissioning Body (IDB) para sa reintegrasyon ng mga dating mandirigma at rehabilitasyon ng mga komunidad na naapektuhan ng tunggalian.
Sa kapaligiran, sinimulan ang Sanitary Landfill Project at clearing operations sa Capitol Site bilang paghahanda sa pagtatayo ng bagong Provincial Government Center sa 2026. Kasabay nito, ipinatatayo rin ang 69kV Substation sa Iranun Corridor, na 87% nang kumpleto at inaasahang magpapatatag ng suplay ng kuryente.
Sa agrikultura, ipinatupad ang High-Value Crop Development Program na nagresulta sa pamamahagi ng 13,066 high-value crops, 2,800 vegetable packs, at 10,000 punlang mangrove. Nagsagawa rin ng deworming at pagbabakuna sa mahigit 5,000 alagang hayop.
Sa kalusugan at nutrisyon, mahigit 3,800 residente ang nabigyan ng medical at dental services, habang 2,100 bata ang natulungan sa Expanded School Feeding Program.
Sa disaster response, namahagi ang lalawigan ng 2,800 sako ng bigas sa mga nasalanta ng baha at sunog, habang nagpapatuloy ang mga relief operation ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Sa reporma at peace and order, ipinatupad ang Jail Legal Assistance Program na nagresulta sa pagpapalaya ng 52 kwalipikadong bilanggo, at naresolba ang ilang kaso ng rido sa Sultan Mastura. Binubuo rin ngayon ang mga konseho tulad ng Provincial Development Council, Peace and Order Council, at Anti-Drug Abuse Council upang higit na mapaigting ang koordinasyon at pamamahala.
Sa oportunidad, binigyang-pansin ng pamahalaang panlalawigan ang pagbubukas ng mga pagkakataon para sa edukasyon, kabuhayan, at promosyon ng kultura at turismo. Kabilang dito ang pagtatayo ng Pasalubong Center sa bayan ng Sultan Kudarat, paglulunsad ng Provincial Scholarship Program para sa mga estudyanteng nangangailangan, at pagbibigay ng tulong sa 430 PWDs at 100 senior citizens.
Lumahok din ang lalawigan sa Philippine Travel Mart kung saan nakamit nito ang 1st Runner-Up sa Best Booth Design, at naging kinatawan sa GENTA Cultural Exchange sa Malaysia. Sa larangan ng sports, 73 atleta ang nag-uwi ng medalya sa Batang Pinoy 2025.
Sa tulong ng PESO at TESDA, 75 benepisyaryo naman ang nagtapos sa dressmaking at values transformation training. Sa ilalim ng programang Serbisyong Sama-Sama, Hatid ni DTOM, mahigit 3,800 residente mula sa Upi at Datu Blah Sinsuat ang nabigyan ng serbisyong medikal, legal, at pangkabuhayan.
Binigyang-diin ni Governor Mastura na bagama’t maiksi pa lamang ang unang 100 araw, ito ay naging simula ng pagpapatibay ng reporma, pagkakaisa, at patuloy na pagtutok sa mga programang magpapalago sa Maguindanao del Norte.

















