Nakaligtas sa tangkang pamamaril ang isang konsehal ng bayan ng Nabalawag sa Special Geographic Area (SGA) nitong Oktubre 30, 2025, bandang alas-8:11 ng gabi sa Barangay Olandang, Nabalawag.

Kinilala ang biktima na si Taimama Kamidun Tapanding, 44-anyos, may asawa, at kasalukuyang Municipal Councilor ng nasabing bayan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, kasalukuyang tinitingnan umano ng biktima ang kanyang sasakyan na nakaparada sa harap ng bahay nang biglang sumulpot ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki at pinaputukan siya gamit ang di pa matukoy na uri ng baril.

Matapos ang insidente, agad na tumakas ang mga suspek patungong Barangay Kadigasan, habang hindi naman nasaktan si Tapanding.

Patuloy ngayon ang imbestigasyon at pursuit operations ng Nabalawag Municipal Police Station sa tulong ng mga opisyal ng Barangay Olandang, Alpha Company ng 34th Infantry Battalion ng Philippine Army, at 1405th Regional Mobile Force Company, upang matukoy at maaresto ang mga salarin.

Sa ngayon, patuloy pang inaalam ang motibo sa nasabing pamamaril.