Nasawi ang isang motorista matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa kahabaan ng Barangay Kayupo, Pandag, Maguindanao del Sur ngayong gabi.
Batay sa inisyal na ulat ng mga rumespondeng awtoridad, sakay ng isang kulay itim na Yamaha Aerox ang biktima nang mangyari ang pamamaril. Ayon sa mga nakasaksi, ilang putok ng baril ang umalingawngaw bago bumagsak ang biktima sa kalsada.
Sa ngayon, hindi pa natutukoy ang pagkakakilanlan ng biktima habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga pulis upang alamin ang motibo sa likod ng insidente.
Nagsimula na rin ang mga otoridad ng hot pursuit operation para sa posibleng pagkakadakip sa mga responsable sa krimen.
Patuloy namang nananawagan ang mga awtoridad sa sinumang may impormasyon tungkol sa pangyayari na makipagtulungan upang agad na maresolba ang kaso.
 
		
















