Lumakas pa ang tropical cyclone na si “Tino” at itinuturing na isang ganap na bagyo. Ayon sa PAGASA, ang sentro ng bagyo ay tinatayang nasa layong 285 kilometro silangan-timog-silangan ng Guiuan, Eastern Samar.
Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 120 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 150 kilometro kada oras. May central pressure na 975 hPa at kumikilos pa-kanluran timog-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Kasalukuyang nakataas ang Signal No. 3 sa katimugang bahagi ng Eastern Samar, katimugang bahagi ng Samar, gitna at katimugang bahagi ng Leyte, Southern Leyte, Camotes Islands, silangang bahagi ng Bohol, Dinagat Islands, at hilagang bahagi ng Surigao del Norte kasama ang Siargao at Bucas Grande Islands.
Signal No. 2 naman sa katimugang bahagi ng Masbate, gitnang bahagi ng Eastern Samar at Samar, natitirang bahagi ng Leyte, Biliran, natitirang bahagi ng Bohol at Cebu, hilaga at gitnang bahagi ng Negros Oriental at Negros Occidental, Guimaras, silangang bahagi ng Capiz, hilaga at silangang bahagi ng Iloilo, natitirang bahagi ng Surigao del Norte, hilagang bahagi ng Surigao del Sur, hilagang-silangang Agusan del Norte, at hilagang bahagi ng Camiguin.
Signal No. 1 sa Albay, Sorsogon, natitirang bahagi ng Masbate, katimugang bahagi ng Quezon, katimugang bahagi ng Marinduque, Romblon, gitna at katimugang bahagi ng Oriental at Occidental Mindoro, hilagang bahagi ng Palawan kasama ang Calamian, Cuyo, at Cagayancillo Islands, Northern Samar, natitirang bahagi ng Eastern Samar, Samar, Siquijor, natitirang bahagi ng Negros Oriental at Occidental, natitirang bahagi ng Iloilo, Capiz, Aklan, Antique, natitirang bahagi ng Surigao del Sur, hilaga at gitnang bahagi ng Agusan del Sur, natitirang bahagi ng Agusan del Norte, natitirang bahagi ng Camiguin, Misamis Oriental, hilagang bahagi ng Bukidnon, hilagang bahagi ng Misamis Occidental, at hilagang bahagi ng Zamboanga del Norte.
Patuloy ang babala ng PAGASA sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa lalo na sa mga mababang lugar at bulubunduking bahagi ng Visayas at Mindanao. Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at patuloy na mag-monitor sa mga opisyal na abiso ng PAGASA at mga lokal na awtoridad.

















