Lumahok ang Bangsamoro Youth Commission (BYC) sa unang Teduray-Lambangian Youth Summit na ginanap noong Oktubre 30, 2025, sa Cotabato City, kasabay ng pagtatapos ng National Indigenous Peoples Month.

Layunin ng pagtitipon na talakayin ang mga usaping may kinalaman sa kabataang katutubo, kultura, at kapayapaan sa hanay ng mga non-Moro Indigenous Peoples (NMIP) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ang aktibidad ay pinangunahan ng Teduray-Lambangian Youth and Students Association (TLYSA), katuwang ang Cotabato State University’s IP Research Center at ang Cotabato Active Teduray Outstanding Movement (CATOM). Mahigit 150 kabataang Teduray at Lambangian mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon ang lumahok sa summit na may temang “Weaving Culture, Enriching Future: Empowering Indigenous Communities as Bedrock of Sustainable Development.”

Kabilang sa mga dumalo sina BYC Chairperson Nasserudin D. Dunding at BYC Ex-Officio Commissioner Andic B. Maningula, na tumalakay sa sesyong may paksang “Youth, Peace, and Security in BARMM: Engagement for Peacebuilding and Youth Empowerment.”

Sa naturang talakayan, tinalakay ang mga isyung kinahaharap ng kabataang katutubo at ang mga posibleng hakbang upang mapalakas ang kanilang partisipasyon sa usaping pangkapayapaan at pamamahala sa rehiyon.

Ang summit ay nagsilbi ring culminating activity para sa National Indigenous Peoples Month at National Indigenous Peoples Thanksgiving Day na ipinagdiriwang tuwing Oktubre 29.