Nagkaisang nagpahayag ng suporta ang limang gobernador ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM para kay Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua.
Sa kanilang pinirmahang Statement of Support, tiniyak ng mga gobernador na buo ang kanilang tiwala at pagsuporta kay Macacua sa kasalukuyang pinalawig na transition period ng Bangsamoro Transition Authority.
Ayon sa kanila, sa ilalim ng pamumuno ni Macacua ay nasilayan nila ang pagkakaisa, kooperasyon at pagpapatuloy ng kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
Kabilang sa lumagda sina Governor Mujiv Hataman ng Basilan, Governor Mamintal “Bombit” Adiong ng Lanao del Sur, Governor Datu Tucao Mastura ng Maguindanao del Norte, Governor Datu Ali Midtimbang ng Maguindanao del Sur, at Governor Yshmael “Mang” Sali ng Tawi-Tawi.
Nanawagan din ang mga gobernador sa lahat ng Bangsamoro na magkaisa sa pagsusulong ng tunay at makabuluhang awtonomiya sa rehiyon.
Nilagdaan ang pahayag kahapon Nobyembre 4, 2025.

















