Malaking panalo para sa kapayapaan at seguridad sa Panay ang naitala nitong Lunes, Nobyembre 3, 2025, matapos maaresto ang isang mataas na pinuno ng Communist Terrorist Group (CTG) na matagal nang nag-ooperate sa mga lalawigan ng Aklan, Iloilo, at Capiz.

Kinilala ang suspek bilang alyas “Mayok”, dating Kalihim ng Eastern Front at Central Front ng Komiteng Rehiyon–Panay (KR-P); at dating Commanding Officer (CO) ng FOC, SDG Platoon, CFC, at tagapangalaga ng mga natitirang kasapi ng KR-P matapos ang pagkamatay ng kanilang lider na si alyas “Ted.”

Naaresto si Matullano sa isang lehitimong operasyon ng mga awtoridad sa Barangay Buntatala, Jaro, Iloilo City, sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng 82nd Infantry (BANTAY LAYA) Battalion at 61st Infantry (HUNTER) Battalion sa ilalim ng 301st Infantry (BAYANIHAN) Brigade, katuwang ang Police Intelligence Unit–Iloilo at ang mga lokal na residente na nagbigay ng mahahalagang impormasyon.

Ayon sa ulat, may pitong (7) nakabinbing warrant of arrest si Matullano, kabilang ang dalawang (2) kaso ng murder at rebellion na hindi maaaring piyansahan. Pinayuhan umano siya ng mga awtoridad na sumuko ng mapayapa ngunit tumanggi ito, dahilan upang isagawa ang operasyon na nauwi sa kanyang matagumpay na pagkakadakip nang walang nasugatan o napinsala.

Pinuri ni Brigadier General Nhel Richard E. Patricio, Commander ng 301st Infantry Brigade, ang mga tropa sa matagumpay na operasyon at muling nanawagan sa mga natitirang kasapi ng CTG na itigil na ang armadong pakikibaka.

“Sa pagkawala ng kanilang mga lider, gumuho na ang lakas ng CTG. Tapos na ang laban — panahon na upang umuwi. Sumuko na habang may pagkakataon pa. Handa ang pamahalaan na tulungan kayong magsimulang muli sa pamamagitan ng ECLIP at Local Amnesty Program,” ani BGen. Patricio.

Samantala, binigyang-diin naman ni Major General Michael G. Samson, Commander ng 3rd Infantry Division, na ang pagkakaaresto kay Matullano ay simbolo ng malaking tagumpay sa pagpapatuloy ng kampanya laban sa insurgency sa Panay.

“Ang operasyong ito ay patunay na unti-unti nang nauubos ang pwersa ng mga natitirang NPA sa rehiyon. Pinupuri namin ang katapangan ng ating mga tropa at ang kooperasyon ng komunidad. Nawa’y magsilbi itong paalala na ang landas ng karahasan ay patungo lamang sa pagkawasak, samantalang ang kapayapaan ay nagbibigay ng pag-asa at kinabukasan para sa lahat,” ani MGen. Samson.