Ipinrisinta ngayong Nobyembre 6, 2025, sa Municipal Gymnasium ng Upi, Maguindanao del Norte, ang mga tagumpay ng ASPIRE SALW Caravan sa pagpapatupad ng Small Arms and Light Weapons (SALW) Management Program.

Mahigit 600 armas ang nalikom ng 57th Infantry Battalion at Joint Peace and Security Team (JPST) mula sa mga residente ng Upi, na ipinresenta kay Western Mindanao Command Commander Major General Donald Gumiran. Ang inisyatibong ito ay bahagi ng Assistance for Security, Peace, Integration and Recovery for Advancing Human Security in BARMM (ASPIRE) at Small Arms and Light Weapons (SALW) program ng pamahalaan.

Itinampok din sa programa ang pagpapakita ng mga isinauling armas, na sumisimbolo sa pagkakaisa at matibay na pangako ng mga mamamayan tungo sa pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon ng Bangsamoro.

Dumalo sa kaganapan si Major General Donald M. Gumiran, Commander ng Western Mindanao Command, 6th Infantry (Kampilan) Division, at Joint Task Force Central (JTFC).

Ayon kay Maj. Gen. Gumiran, “Ang seremonyal na pagsasauli ng mga Small Arms and Light Weapons kanina ay higit pa sa isang simpleng aktibidad—ito ay isang makapangyarihang pahayag na handa na ang ating mga mamamayan na yakapin ang kapayapaan, isantabi ang armas, at magtiwala sa isa’t isa. Ipinakikita nito ang tapang at puso ng mga komunidad na piniling tahakin ang landas ng Kapayapaan at Pag-asa.”