Naglabas ng Tropical Cyclone Bulletin No. 1 ang PAGASA ngayong hapon kasunod ng paglapit ng Severe Tropical Storm Uwan (international name: Fung-Wong), na kasalukuyang nagbabadya ng masamang panahon sa malaking bahagi ng bansa.
Batay sa ulat ng PAGASA, si Uwan ay namataan sa layong 1,175 kilometro silangan ng Eastern Visayas, taglay ang hanging umaabot sa 110 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na hanggang 135 kilometro kada oras. Patuloy itong kumikilos pakanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.
Dahil dito, itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao, kabilang ang mga lalawigan ng Cebu, Bohol, Leyte, Samar, Romblon, Masbate, Camarines provinces, at Dinagat Islands.
Inaasahang makararanas ang mga nasabing lugar ng malalakas na hangin sa loob ng 36 oras, na maaaring magdulot ng bahagyang pinsala sa mga kabahayan at pananim.
Nagbabala rin ang PAGASA sa posibilidad ng storm surge na maaaring makaapekto sa hilagang bahagi ng Luzon at sa silangang baybayin ng Central at Southern Luzon. Ayon sa ahensya, posibleng maglabas ng storm surge warning ngayong gabi o bukas.
Tinatayang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) si Uwan ngayong gabi o bukas ng madaling-araw, at maaaring tumama sa kalupaan sa pagitan ng southern Isabela at northern Aurora pagsapit ng Linggo ng gabi o Lunes ng madaling-araw.
Ayon sa forecast, si Uwan ay inaasahang lalakas pa bilang typhoon sa loob ng 24 oras, at maaari nang umabot sa super typhoon category pagsapit ng Sabado ng gabi o Linggo ng umaga, bago ito tuluyang mag-landfall.
Pinapayuhan ng PAGASA ang mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na iwasang pumalaot dahil sa napakagulô ng karagatan sa silangang bahagi ng Luzon, Visayas, at Caraga.
Samantala, nananawagan din ang ahensya sa publiko at sa mga lokal na pamahalaan na manatiling alerto at sumunod sa mga anunsyo ng kani-kanilang disaster officials.

















