Nagkasundo ang dalawang magkatunggaling panig mula Barangay Baguindan sa Tipo-Tipo sa isang ritwal na tinawag na Pagsulut Duk Pagduwaa, na isinagawa ngayong November 7, 2025, bilang hakbang sa pagpapanatili ng kapayapaan sa komunidad.

Ginanap ang pagtitipon sa Raayat Hall at dinaluhan ng lokal at pambansang opisyal, kabilang sina Mufti Basilan Dr. Abhoukhair Tarasin, ang Provincial Government Negotiating Team, at mga lokal na alkalde mula Tipo-Tipo, Akbar, Tuburan, kasama rin ang mga board member at kinatawan ng MILF, PNP, at 101st Infantry Brigade.

Ayon sa opisyal na pahayag, ang layunin ng ritwal ay tuluyang maitigil ang hidwaan sa pagitan ng dalawang panig at magkaroon ng maayos na ugnayan sa barangay. Binanggit ng mga awtoridad ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan at koordinasyon sa pagitan ng komunidad at seguridad forces upang maiwasan ang muling paglala ng alitan.

Sa pagtitipon, iginiit ng MILF Commander at iba pang security officials ang pangangailangan ng kooperasyon at pagsunod sa mga lokal na patakaran upang mapanatili ang kapayapaan. Hiniling din ng mga lokal na opisyal ang pagsasagawa ng karagdagang hakbang, kabilang ang planong peace summit, bilang paraan upang matiyak ang tuloy-tuloy na ugnayan sa pagitan ng mga dating magkaaway.