Tinalakay ng Komite sa Lokal na Pamahalaan ng Bangsamoro Parliament ang proseso at direksiyon ng tatlong panukalang batas na may kaugnayan sa pagtatatag ng mga bagong parliamentary district sa rehiyon.

Saklaw ng mga ito ang Parliament Bill Nos. 403, 407, at 408, na naglalayong tukuyin ang mga bagong distrito alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema hinggil sa Bangsamoro Autonomy Acts (BAA) Nos. 58 at 77.

Sa ginanap na pagpupulong, tinalakay ng mga mambabatas ang mga implikasyon ng naturang desisyon ng Korte at ang kasalukuyang motion for reconsideration na inihain ng Attorney General’s Office ng Bangsamoro Government sa ngalan ng Chief Minister.

Binigyang-diin ng mga miyembro ng komite ang pangangailangang kumilos nang may pag-iingat at koordinasyon sa Committee on Rules upang matiyak na ang mga hakbang ng Parlamento ay nananatiling naaayon sa opisyal na legal na posisyon ng pamahalaang Bangsamoro.

Muling iginiit ng komite ang kahalagahan ng pagkakaroon ng strategic communication plan upang mas maunawaan ng publiko at ng midya ang mga komplikadong proseso ng redistricting.

Ipinaalala naman ni Committee Chairperson Naguib Sinarimbo sa mga kasapi ang pagpapanatili ng disiplina at integridad sa loob ng Parlamento, at binigyang-diin na ang mga opisyal na usapin ay dapat idaan sa tamang institusyonal na mga proseso.