Naglabas ng Executive Order No. 032, Series of 2025 ang Pamahalaang Panlalawigan ng Maguindanao del Sur na nagpapasuspinde ng klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribado, sa Nobyembre 10, 2025 (Lunes).
Ayon sa kautusan na nilagdaan ni Gobernador Datu Ali M. Midtimbang, base sa magkakasunod na weather advisory noong Nobyembre 9, patuloy na nakararanas ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan ang lalawigan bunsod ng Bagyong “Uwan.”
Inaasahan umanong magpapatuloy ang masamang panahon na maaaring magdulot ng baha sa mabababang lugar at iba pang peligrong dulot ng matinding ulan, na posibleng makapinsala sa kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at kawani ng mga paaralan.
Binigyang-diin ng pamahalaang panlalawigan na priyoridad nito ang kaligtasan at kapakanan ng mamamayan, lalo na ng mga sektor ng edukasyon, sa panahon ng ganitong kalagayan ng panahon.
Inatasan din ang mga lokal na pamahalaan, mga administrador ng paaralan, at mga kaukulang ahensya na magsagawa ng mga kinakailangang hakbang at patuloy na magmonitor sa mga opisyal na update at babala sa panahon.

















