Nakumpiska ng mga pulis at personnel ng 1403rd MFC ang 2,100 reams ng FORT brand cigarettes na walang kasamang dokumento sa isang checkpoint noong Nobyembre 14, 2025, bandang alas-2 ng hapon sa kahabaan ng Narciso Ramos Highway, Brgy. Daana-ingud.

Ayon sa ulat ng PNP BARMM, ang mga sangkot sa insidente ay sina Naif Mangorsi Saripada, 26 anyos, residente ng Brgy. Basagan, Pualas, at ang kaniyang kasamang si Hisam Macasayan Bonsalagan, 20 anyos, residente ng Brgy. Notong, Pualas.

Habang nagpapatrolya sa routine checkpoint, hinarang ng Marantao MPS at 1403rd MFC ang isang silver na Toyota Revo (Plate No. XCU-205). Sa visual na inspeksyon, napansin ng mga opisyal ang ilang kahon ng sigarilyo sa loob ng sasakyan. Nang hingin ang kaukulang dokumento para sa transportasyon, nabigo ang drayber na magpakita ng anumang papeles kaya agad na kinuha ang mga kargamento.

Tinaya ng mga awtoridad na ang market value ng nakumpiskang sigarilyo ay umabot sa Php 1,648,500.00. Ang sasakyan, kasama ang drayber, crew, at ang mga nasabing sigarilyo, ay dinala sa Marantao MPS para sa karagdagang imbestigasyon.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Marantao MPS sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) para sa kaukulang legal na hakbang at posibleng paghahain ng kaso laban sa mga suspek.