Naaresto ang isang hinihinalang bagong drug personality sa Sultan Mastura matapos umano’y mahulihan ng shabu noong Nobyembre 14 sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad.
Bandang 11:50 ng gabi, nagsagawa ang mga tauhan ng Municipal Drug Enforcement Unit (MDEU) ng Sultan Mastura MPS, pinamumunuan ni PCMS Al-Muadz Panda at nasa superbisyon ni PMAJ Fhaeyd C. Cana, ng anti-illegal drug operation sa Purok IV, Barangay Balut, Sultan Mastura, Maguindanao del Norte.
Naaresto ang suspek na kinilalang alias “Tarem,” 37 taong gulang, may asawa, walang trabaho, at bagong identified drug personality sa lugar. Ayon sa ulat, isang police poseur buyer ang nakabili mula sa suspek ng isang heat-sealed na sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tinatayang isang gramo at may halagang ₱6,800. Matapos ang transaksiyon, inaresto ang lalaki at isinagawa ang search incidental to lawful arrest.
Sa pagsisiyasat, narekober mula sa kanyang pag-iingat ang isa pang heat-sealed na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang dalawang gramo at may halagang ₱13,600, isang ₱1,000 buy-bust money na may serial number LV104302, isang keypad na cellphone, isang bamboo caliper, isang improvised tooter, at isang pakete ng transparent cellophane.
Isinagawa sa lugar ang inventory, marking, at photography ng mga ebidensya sa presensya ng isang halal na opisyal ng barangay at isang miyembro ng media, alinsunod sa Section 21 ng R.A. 9165.
Dinala ang suspek sa Sultan Mastura MPS para sa booking at dokumentasyon. Ang mga nakumpiskang droga ay ipapadala sa RFU-BAR para sa qualitative at quantitative examination. Inihahanda na ang kasong paglabag sa Sections 5, 11, 12, at 15, Article II ng R.A. 9165 laban sa suspek.

















