Pumili ng kapayapaan ang labindalawang dating miyembro ng lokal na teroristang grupo matapos silang sabay-sabay na magbalik-loob sa pamahalaan sa magkahiwalay na lugar sa Maguindanao del Sur, patunay na mas nangingibabaw na ngayon ang pagnanais para sa ligtas at tahimik na pamumuhay kaysa patuloy na paglahok sa armadong pakikibaka.

Sampu sa kanila ang kusang sumuko sa 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion sa Brgy. Kabinge, Datu Saudi Ampatuan nitong Nobyembre 17. Kasabay ng kanilang pagsuko ang pag-turn over ng 11 high-powered firearms, kabilang ang isang Rocket-Propelled Grenade (RPG), isang 60mm mortar, at siyam na iba’t ibang uri ng baril. Naging katuwang sa aktibidad ang 65th Infantry Battalion, 6th CMO Battalion, PNP, at mga lokal na pamahalaan ng Datu Abdullah Sangki, Datu Unsay, Datu Hoffer, Shariff Aguak, Datu Saudi Ampatuan at Ampatuan.
Iprinesenta ang mga nagbalik-loob kay Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Brigade, kasama sina Datu Saudi Ampatuan Mayor Bassir Utto, mga konsehal, kinatawan mula sa Ampatuan LGU at MAFAR-DSA. Nagkaloob ang LGU ng agarang tulong tulad ng bigas at mga binhi upang suportahan ang kanilang muling pagbangon sa komunidad.
Ayon kay Mayor Utto, “Ang inyong pagbalik-loob ay hindi lamang tagumpay ng pamahalaan, kundi tagumpay ng bawat pamilya at komunidad. Handa ang aming munisipyo na gabayan kayo sa inyong bagong simula tungo sa mas ligtas at mas maunlad na kinabukasan.”
Samantala, dalawang dating miyembro pa ng lokal na teroristang grupo ang naunang sumuko sa 92nd Infantry Battalion sa Brgy. Salbu, Datu Saudi Ampatuan noong Nobyembre 16. Isinuko rin nila ang kanilang mga armas, kabilang ang isang M4 rifle, 60mm mortar, isang improvised explosive device (IED), at isang hand grenade. Ayon kay Lt. Col. Anacito C. Naz, Commanding Officer ng 92IB, naisakatuparan ang pagsuko dahil sa pakikipagtulungan ng MILF-CCCH at MILF-BIAF 105th Base Command.
Binigyang-diin naman ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, na malinaw na indikasyon ang serye ng pagsuko na mas pinipili ng mga komunidad ang pag-asa kaysa karahasan.
“Ang kapayapaan ay hindi nakukuha sa lakas ng armas, kundi sa lakas ng ating pagkakaisa na tapusin ang terorismo. Ang inyong pagbabalik-loob ay patunay na mas nangingibabaw ang pagnanais na mamuhay nang mapayapa kasama ang ating mga pamilya. Nananatiling bukas ang pintuan ng 6ID sa lahat ng gustong talikuran ang maling landas,” ani Maj. Gen. Cagara.

















