Nagsagawa ng Live Fire Exercises ang 601st Infantry (UNIFIER) Brigade bilang bahagi ng kanilang External Security Operations Training sa Tapat Hill, Barangay Meta, Datu Unsay, Maguindanao del Sur.

Ang aktibidad, na pinangunahan ni Brigadier General Edgar L. Catu, ay layong palakasin ang kahandaan at koordinasyon ng mga tropa sa pagtugon sa posibleng external threat na maaaring makaapekto sa pambansang seguridad.

Sa pagsasanay, gumamit ang mga kasundaluhan mula sa iba’t ibang yunit ng 61mm at 81mm Mortars, pati 105mm Howitzers. Ayon sa mga opisyal, bahagi ito ng pagpapalakas ng taktikal na kasanayan at disiplina ng mga sundalo.

Pahayag ni BGen. Catu, kabilang sa mga prayoridad ng brigada ang pagpapanatili ng mataas na antas ng kahandaan:

“Walang nakakaalam kung kailan darating ang tawag sa tungkulin. Kaya mahalagang mapanatili ang kakayahan ng tropa laban sa anumang external threat.”

Tiniyak ng militar na naabisuhan ang mga residenteng sakop ng Datu Unsay, Shariff Aguak, Datu Hoffer, Ampatuan, at Datu Saudi Ampatuan bago isinagawa ang live fire drills upang maiwasan ang pangamba at matiyak ang kaligtasan ng sibilyan. Siniguro rin ng mga tauhan na walang sibilyang nasa loob ng target areas.

Dumalo rin sa aktibidad si Brigadier General Ricky P. Bunayog, Commander ng 602nd Brigade, bilang kinatawan ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, pinuno ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central.

Sa isang pahayag, binigyang-diin ni MGen. Cagara ang kahalagahan ng pagsasanay sa pagpapatibay ng panseguridad na kakayahan ng tropa:

“Ang ganitong uri ng pagsasanay ay hindi lang pagpapahusay ng kakayahan, kundi patunay ng paninindigan natin para sa seguridad ng bansa.”

Ang live fire exercises ay bahagi ng tuloy-tuloy na hakbang ng 6th Infantry Division para sa mas mataas na antas ng kahandaan sa harap ng anumang internal o external security challenge.

PHOTOS FROM 601st Infantry Unifier Brigade