Pinuri ni Special Assistant to the President Antonio Ernesto Lagdameo Jr. ang bagong talagang commander ng 6th Infantry Division (6ID) na si Major General Jose Vladimir Cagara, kasabay ng kanyang pormal na pag-upo sa puwesto noong November 11, 2025, sa Camp Siongco, Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Lagdameo na ang pagkakatalaga kay Cagara ay malaking tulong sa peace and development agenda ng administrasyong Marcos sa Mindanao.

Si Maj. Gen. Cagara ay isang beteranong opisyal sa territorial defense at counter-insurgency operations. Siya ang pumalit kay Maj. Gen. Donald Gumiran, na ngayon ang bagong pinuno ng Western Mindanao Command. Pinangunahan ang turnover ni Lt. Gen. Antonio Nafarrete, Commanding General ng Philippine Army.

Ayon kay Lagdameo, ang karanasan ni Cagara sa intelligence, civil-military operations at ground operations ay tugma sa layunin ng pamahalaan na magkaroon ng mas ligtas at mas maunlad na Bangsamoro at South-Central Mindanao.

Si Cagara ay miyembro ng PMA Class of 1993 at nagsilbi bilang commander ng 1st Brigade Combat Team sa Pigcalagan, Maguindanao del Norte. Hawak din niya ang iba’t ibang key positions sa intelligence at operations, at may advanced military training sa Pilipinas at abroad.

Nagpasalamat din si Lagdameo kay Maj. Gen. Gumiran sa kanyang “matatag na pamumuno” at matagumpay na seguridad sa Central Mindanao.

Dumalo sa Change of Command Ceremony ang mga opisyal ng militar, lokal na pamahalaan, sibilyan, at miyembro ng media.

Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, tiniyak ni Lagdameo na patuloy ang suporta ng Malacañang sa Armed Forces:

“Handa ang Office of the President na makipagtulungan sa 6ID para sa tunay na kapayapaan, seguridad at kaunlaran sa Mindanao.”