Nakasabat ang pinagsanib na pwersa ng Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ng mga ipinuslit na sigarilyo at inaresto ang isang suspek sa operasyon na ikinasa noong Nobyembre 18, 2025 sa boundary ng South Upi at Lebak, Barangay Christianuevo, Lebak, Sultan Kudarat.

Nagsimula ang operasyon matapos hilingin ng 2nd Maneuver Platoon, 2nd SKPMFC, na harangin ang isang Toyota Innova (MBD 4161) na tumakas mula sa kanilang checkpoint. Agad na nagtayo ng blocking checkpoint ang South Upi MPS kasama ang PIU MAGSURPPO, 1st PMFC MAGPPO, at RMFB14, na nagresulta sa pagkakahuli kay alyas “Ruston”, 27, residente ng Guindulongan, Maguindanao del Sur.

Nasamsam mula sa sasakyan ang 277 reams ng hinihinalang smuggled FORT cigarettes na tinatayang nagkakahalaga ng ₱217,445.00. Nabigong magpakita ang suspek ng anumang transport documents, na paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Dinala ang suspek at mga nakumpiskang items sa Lebak MPS para sa wastong dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Pinuri ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, ang mga operatibang nagtagumpay sa operasyon. Binanggit niya na ang aksiyong ito ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng PRO BAR sa paglaban sa smuggling at pagpapanatili ng rule of law sa rehiyon.