Kasalukuyang pinatatanggal sa puwesto si Alamada Mayor Jesus ‘Susing’ Sacdalan ng Office of the Ombudsman matapos matukoy ang probable cause sa mga kasong administratibo laban sa kanya.
Kasama sa mga akusado ang ilang barangay officials mula sa munisipyo. Ayon sa resolusyon ng Ombudsman, nakitaan si Sacdalan ng posibleng paglabag sa tungkulin kaugnay sa pagbibigay ng permit para sa pagtatayo ng hydroelectric project sa Libungan River Watershed Forest Reserve, isang protektadong lugar.
Kabilang sa mga kasong isinampa ang Grave Misconduct at Conduct Prejudicial to the Best Interest of Service. Nakasaad sa kautusan na posibleng ipataw na parusa sa mga mapatunayang guilty ang dismisal mula sa pampublikong serbisyo, permanenteng diskwalipikasyon sa muling paghirang sa gobyerno, pagbabawas ng retirement benefits, at iba pang kaukulang penalties.
Ang kaso ay isinampa ni Cotabato Governor Emmylou ‘Lala’ Taliño-Mendoza, na nag-ugnay sa alegasyon sa pangangalaga ng protektadong lugar.
Wala pang opisyal na pahayag ang kampo ni Mayor Sacdalan hinggil sa kautusang inilabas ng Ombudsman.

















