Pinasalamatan ng pamahalaang lokal ang lahat ng tanggapan, katuwang na organisasyon, at mga komunidad matapos opisyal na pumasa ang Cotabato City sa 2025 Child-Friendly Local Governance Audit (CFLGA). Nakakuha ang lungsod ng 74.00 rating at 92.50 porsiyento base sa pamantayang itinakda sa pambansang antas para sa child-friendly governance.

Ayon sa City Government, ang tagumpay na ito ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng lungsod na magtatag ng ligtas, maayos, at suportadong kapaligiran para sa mga bata. Kabilang dito ang pagpapatupad ng mga programang nakatuon sa kalusugan, edukasyon, proteksyon, at kabutihan ng kabataang Cotabateño.

Nagpahayag din ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan sa lahat ng sektor na naging bahagi ng tagumpay na ito, lalo na sa mga nakikilahok sa mga inisyatiba para sa kapakanan ng kabataan.
“Padayon sa serbisyo para sa kabataan,” pahayag ng pamahalaang lungsod, na nangakong lalo pang paiigtingin ang mga programang nagtataguyod ng karapatan at kapakanan ng bawat bata sa Cotabato City.

















